Pahayag ng mamamayang nasunugan sa Gasangan Baseco

Posted by Advo ESCR
29 Apr 2010
regional_reportage

Kami ang mga mamamayang biktima ng sunog noong ika-16 ng Enero, 2010 ng gabi. Tinupok ng apoy ang aming kabahayan na umaabot sa 328 pamilyang maralita sa Block 1, Gasangan 1, Baseco.  Matapos ang sunog, kami ay kagyat na pinatuloy sa gym ng aming baranggay at pansamantalang tumuloy. At matapos ang ilang araw, marami sa amin ang bumalik at nagtirik ng kubol-kubol sa tabi o paligid sa dating kinatitirikan ng aming mga bahay.  Aabot na rin sa mahigit tatlong buwan na kami ay nakakubol-kubol sa may Gasangan. Mainit at bulnerable sa mga bata at matatanda an gaming kalagayan ngayon. Marami na sa amin ang nagkakasakit tulad ng  ng pagtatae, ubo, sipon, altapresyon at iba pa.Karamihan sa amin ay walang permanenteng kabuhayan.  Marami sa amin ay nabubuhay sa halagang P100 o mas mababa pa kada araw na kinikita  sa pagbabasura, pagbe- vendor, kargador, tricyle driver, pangingisda atbp , owner man o renter.   Sumasala kami sa pagkain ng 3 beses sa isang araw.   Hirap na hirap kaming makarekober mula sa katayuan namin bago magkasunog, pero sadyang hirap narin kami nuon paman.  Kaya malaking tulong sa amin ang kagyat (relief) na tulong na sa amin at kami ay humihiling ng tulong sa rehabilitasyon.Kagyat na kahilingan namin sa ngayon ay magakaroon ng mas maayos at permanenteng tirahan upang muli ay makapagsimula, lalo na’t, nalalapit na ang tag-ulan.   May katagalan na rin ang mahigit sa 3 buwan na aming katayuan.  Mula rito ay nais naming makaabante sa rehabilitasyon.  Kaming mga nasunugan ay nagkakaisang humihiling ng sumusunod:

  1. Malaanan ang lahat ng apektadong 328 na pamilya ng permanente at desenteng paninirahan, owner man o renter. Hindi kami dapat paaalisin sa aming kubol kubol hanggat walang malilipatan.
  2. Magkaroon ng katiyakan na matugunan ng lokal at pambansang pamahalaan na mabigyan ng suportang pinansyal at materyal para muling maitayo an gaming mga bahay.
  3. Tiyakin ang maayos at mabilis na panahon ng pagtatambak ng lupa sa dating lugar ng aming bahay at reblocking.
  4. Tiyakin ng pamahalaan ang pagbibigay ng serbisyong patubig, kuryente at suporta para sa pagsasaayos ng palikuran at iba pang serbisyo mula sa pamahalaan.
  5. Tiyakin ang demokratikong konsultasyon sa aming mga residente anumang proyekto o plano na ipapatupad ng pamahalaan sa aming lugar.
  6. Kilalanin ang aming organisasyon bilang lehitimong mamamayan na nagkakaisa at naninindigan para sa aming interes sa kabuhayan at paninirahan.
  7. Makapagbuo at makapagbigay ng kongkretong programa sa pagbibigay at pagtitiyak ng kabuhayan ng bawat pamilya at indibidwal.
  8. Magkaroon ng pangkalahatang medical check-up at pamamahagi ng libreng gamot sa mga residente at programa para sa kalusugan lalo na sa mga bata at matatanda.

Umaasa kami na mabibigyan ng kaukulang atensyon ang aming mga kahilingan. Sama-samang naming nilalagdaan at pinagkaisahan ang pahayag na ito. 

AttachmentSize
pahayag.gasangan.doc36.5 KB
Tags: