1660 Manggagawa, Mawawalan ng Trabaho
Mariing kinukundena ng mga mga manggagawa ng Triumph International Philippines (TIP) and deklarasyon ng TIP management na isara (closure) ang Triumph International main plant at Star Performance Inc. na may humigit kumulang 1660 na manggagawa ang matatanggal sa trabaho. Naninindigan ang mga manggagawa para sa kasiguraduhan sa trabaho at hindi tangggalan.
“Ang hakbang na ito ng kapitalistang Triumph International ay di makatarungan at iligal. Hindi ito makatarungan sapagkat ang closure ay nangangahulugan lamang ng malawakang tanggalan o kawalan ng trabaho ng mahigit 1000 manggagawa ng Triumph International.” Ito ay iligal sapagkat labag ito sa batas ng Pilipinas at sa mismong Collective Bargaining Agreement ng unyon ng mga manggagawa at ng management ng Triumph international.” Pagdidiin ni Ka Lita dela Cruz, tagapangulo ng Bagong Pagkakaisa ng mga Manggagawa ng Triumph International (BPMTI)
Mariin ding tinuligsa ng mga manggagawa ang tusong katwiran ng Triumph International na ang global economic crisis ang dahilan ng kanilang pagsasara at ang pag-amin ng kapitalistang Aleman na ito ay pangangalaga lamang sa kanilang negosyo at upang umiwas na mabawasan ang kanilang tubo.
Nagbanta ang Triumph International Management sa mga manggagawa na hindi sila mangingimi na kasuhan ang indibidwal na manggagawa at alisan ang kanilang mga benefits kapag sila ay nagpakita ng pagtutol at paglaban.
“Supertubo at pagtitipid ang tunay na dahilan ng global management sa kanilang pagsasara ng planta sa Pilipinas at malawakang tanggalan naman sa iba pang panig ng mundo. Milyun-milyon dolyares ang kinikita nito taun-taon mula sa lakas paggawa ng mahigit 40 000 manggagawa sa buong daigdig. Pagdidiin ng BPMTI
“Ito ay malinaw na pagpapasa ng hagupit ng krisis sa tulad naming mga manggagawa na hindi dapat naming mararanasan dahil kaming mga manggagawa ang pangunahing nag-aakyat ng yaman at kita ng kumpanya. Mula sa mga kamay namin ay nahubog at nabuo ang de-kalidad at high class na bra at panty sa buong daigidig.”Hindi dapat kami ang tatanggalin o titipirin. Kung tutuusin, napakaliit ng nakukuha naming mula sa kinikita ng kumpanya. Yong tubo ang dapat bawasan hindi ang kabuhayan at buhay ng mga manggagawa.” Ani ni Ka Lita dela Cruz.
Kinundena rin ng Bagong Pagkakaisa ng mga Manggagawa ang gobyernong Arroyo (DOLE) sa pakipagsabwatan nito sa dayuhang kapitalistang Aleman. `Sinuportahan ng gobyernong Arroyo ang hakbang na closure ng Triumph International at nangumbinsi pa mismo ang DOLE sa mga manggagawa na huwag nang tumutol bagkus ay tanggapin na ang offer ng management na bayaran.
“Mabilis pa sa alas kwatro kung magdeklara ng illegal strike at magbaba ng Assumption of Jurisdiction ang gubyerno at DOLE tuwing nakikibaka at nagwelga ang mga manggagawa. Subalit kapag ang dayuhang kapitalista ang nagdeklara ng closure ay wala itong ginagawa para pangalagaan ang interes ng manggagawang Pilipino.” Dagdag ni Ka Lita.
Paglaban at sama-samang pagkilos ang sagot ng mga manggagawa ng Triumph International. Maglulunsad ng General Membership Assembly ang mga manggagawa bukas sa harapan ng Raw Materials Warehouse (sa loob ng FTI Complex), 1:00-5:00 ng hapon para buuin ang malawak na pagkakaisa at pagkilos.
Ang pagsasara ay upisyal na dineklara ng Triumph International Global Management at Dieter Streicher, managing director ng Triumph International Philippines sa isang meeting kahapon sa Ortigas, Pasig City kasama ang mga kinatawan ng manggagawa at management ng TIP at Star Performance Inc. (kumpanyang pag-aari din ng TIP).
Mahigit isang buwan nang nakapiket at nagbabantay pabrika at kabuhayan ang mga manggagawa para bantayan ang paglalabas ng hilaw na materyales at re-exporting ng mga ito sa ibang bansa.
“Hangga’t walang tunay na industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa para sa mamamayan, patuloy na papasanin ng manggagawa at mamamayang Pilipino ang krisis ng gawa ng sistemang kapitalismo.” Pagtatapos ni Ka Lita dela Cruz ng BPMTI.. (Ulat ng ESCR Documentation Team - National Capital Region)
Similar entries
- Piketlayn itinayo sa ABS-CBN
- Urgent Appeal Of The Displaced Workers Of Triumph International Philippines-Updated (August 2010)
- An appeal from the workers of Triumph International Philippines Incorporated
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang nakatira sa tabing-riles ng Pacwood at RMT Site, Tunasan, Muntinlupa City
- Factsheet and call for support against the violent dispersal of the Triumph International Workers' picketline
- Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (2)
- Paninindigan ng mga Magsasaka sa Kabikolan Kaugnay sa Hacienda Luisita / Compromise Agreement, sa Hacienda Peralta sa Sorsogon at sa iba pang mga Usapin sa Lupa sa Kabikolan
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang biktima ng demolisyon, kawalan ng kabuhayan, pabahay at katarungan sa tabing-riles ng Muntinlupa City
- Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (1)
- Pahayag ng pagkakaisa, paninindigan at kahilingan ng maralitang mamamayan ng National Bilibid Prison



