Dagdag na kagamitan pandigma ng AFP, pinangangambahang paghahanda ng gyera sa Mindanao
September 18, 2010 | Cotabato City- Naalarma ang grupong KAWAGIB sa pagbibigay ng bansang Australia sa Armed Forces of the Philippines ng mga kagamitan pandigma tulad ng amphibian tanks at airboats na nagkakahalaga ng $4 Million para sa internal security operations ng AFP.
Noong linggo, September 11, ay nakunan pa mismo ng grupo ang labing-isa (11) sa mga kagamitang pandigma na dinala sa 6th Infantry Division, pinakamalaking kampo ng militar sa probinsiya ng Maguindanao na nag-ooperasyon hanggang sa Liguasan Marsh.
Nangangamba ang grupo na gagamitin ito ng mga sundalo laban sa mga MILF at sa halip na magkaroon ng usaping pangkapayapaan ay sumiklab muli ang gyera sa Mindanao na sapilitang nagpapalikas sa mga sibilyan at nagdudulot ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Maalalang ipinangako ni Pangulong Aquino na pagkatapos ng Ramadhan ay magkakaroon na ng pormal na pag-uusap ang magkabilang panig ngunit sa pahayag ni Voltaire Gazmin, Secretary ng National Defense, handa rin umanong harapin ng AFP ang MILF kung sakaling magmamatigas ang MILF at hindi magkasundo ang dalawang panig.
Ayon pa sa grupo, hindi dapat payagan ni Pangulong Aquino na sumiklab muli ang digmaan sa Mindanao dahil maraming buhay at ari-arian na naman ang mawawala at masisira. Lalong maghihirap ang mga bakwit na mula pa noong 2008 hanggang ngayon ay naninirahan lang sa mga evacuation centers.
Sa huli, hinamon ng KAWAGIB si Pangulong Aquino na maging sincere sa pakikipag-usap sa mga armadong grupo tulad ng MILF at NPA ng sa gayon ay maresolba na ang kaguluhan sa ating bansa lalo na sa bahagi ng Mindanao.
Nanawagan din ang grupo kay Pagulong Aquino na sa halip na dagdagan ang badyet ng militar, ibigay na lang ang pondo para sa indemnification o bayad-danyos sa mga biktima ng All-out War ni Gloria noong 2008. ###
Similar entries
- HB 2737 pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ayon sa KAWAGIB
- Balance Piston sa Mindanao, tinututulan ng grupong KAWAGIB
- KAWAGIB, kinondena ang pamamaslang sa lungsod at nanawagan ng Hustisya para sa mga biktima
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang nakatira sa tabing-riles ng Pacwood at RMT Site, Tunasan, Muntinlupa City
- Poetry Concert para sa hustisya sa ika-9 buwan ng Ampatuan Massacre
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang biktima ng demolisyon, kawalan ng kabuhayan, pabahay at katarungan sa tabing-riles ng Muntinlupa City
- Pahayag ng pagkakaisa, paninindigan at kahilingan ng maralitang mamamayan ng National Bilibid Prison
- Banta ng demolisyon sa kabahayan ng North Harbor, pinalagan ng manggagawa at maralita!
- Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (1)
- Piketlayn itinayo sa ABS-CBN



