HB 2737 pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ayon sa KAWAGIB

Posted by Moro ESCR
25 Aug 2010
vernacular

Cotabato City- Kinondena ng grupong KAWAGIB ang paninisi ni Pangulong Aquino at Congressman Quisumbing sa Media kaya naging madugo ang hostage-taking drama na naganap sa harap ng Quirino Grandstand sa Manila noong Lunes.

Ayon kay Pangulong Aquino, ang coverage ng media sa pag-aresto sa kapatid ni Mendoza ang nagpa-agitate sa hostage taker kaya nangyari ang pagpatay sa mga hostage. Samantala isinulong naman ni Congressman Quisumbing ang House Bill 2737 na magpapatupad ng media blackout sa mga maseselang aksyon ng pulisya at militar sa panahon ng krisis at emergency. Ang mga media na lalabag sa panukalang batas ay makukulong ng anim na buwan hanggang anim na taon o di kaya ay magmumulta ng dalawampung libong piso (P20,000.00).

Ayon sa KAWAGIB, ang HB 2737 ay paglabag sa kalayaan sa pamamahayag at karapatan ng mamamayan sa impormasyon, bagamat may tungkulin din ang mga mamamahayag na maging responsible sa pagbabalita.

“Hindi dapat isisi sa Media ang naganap noong Lunes, bagkus dapat ay imbestigahan ng pamahalaan kung paano nagresponde ang mga pulisya at ano ang kanilang naging rules of engagement”, dagdag pa ng grupo.

“Kung hindi pa nag-cover ang Media, hindi malalaman ng publiko ang kakulangan sa kagamitan at taktika ng mga pulisya sa pagtugon sa ganitong sitwasyon. Hindi rin maingat ang mga pulisya sa pagrespeto sa karapatan ng mga kamag-anak ni Mendoza dahil sa sapilitang pagkuha sa mga ito upang makisangkot sa negosasyon”, ayon pa sa grupo.

Sinabi rin ng KAWAGIB na sa halip na isulong ang HB 2737, dapat ay unahin ang pagsasabatas sa Freedom of Information Bill na nagsusulong sa karapatan ng mamamayan na malaman ang mga impormasyon at transaksyong ginagawa ng mga ahensya ng pamahalaan. Ito ang hamon ng grupo sa pamaunuan ni Pangulong Aquino.###