Pahayag ng pagkakaisa, paninindigan at kahilingan ng maralitang mamamayan ng National Bilibid Prison

Posted by webadmin
16 Apr 2010
vernacular

Kami ang maralitang mamamayan na naninirahan sa loob ng National Bilibid Prison Reservation Area.

Kami ay mga  tricycle driver, construction worker, labandera, katulong sa bahay, nangangalakal ng basura, nagtatanim ng gulay, vendor at pa-extra extra na walang permanenteng trabaho at kulang na kulang ang kinikita para mabuhay sa isang araw.

Tagpi-tagpi ang aming tirahan. Maraming taon na kaming nagtitiis sa kawalan ng kuryente, tubig at palikuran, Madalas nagkakasakit ang aming mga anak at aming mga magulang na matatanda dahil sa malnutrisyon, gutom, lamok at langaw at kakulangan ng health center sa aming lugar.

Marami sa aming mga anak ang hindi na nag-aaral at marami pa ang napipintong tumigil sa pag-aaral. Yong iba ay nangangalakal at nangangalaeeykay din ng basura tulad sa amin dahil sa sobrang kahirapan at kagutuman.
 
Kami ay nakaranas ng mahigit 100 mararahas at mala-hayop na demolisyon ng aming tahanan simula pa noong 1996 hanggang 2003.  Kami ay lumaban sapagkat biktima kami ng kalupitan, wala kaming mapupuntahan at ang lupang kinatitirikan ng aming bahay ay pag-aaring publiko.

Magpahanggang ngayon ay tuloy tuloy pa rin ang bantang paggigiba ng aming tahanan at pagpapalayas sa amin bunga ng Presidential Proclamation 1158-pagsapribado ng mahigit 400 ektaryang lupa sa loob ng NBP Reservation Area.

Kaming mga nakalagda ay nagkakaisa sa mga sumusunod nakahilingan:

Magkaroon kami ng permanenteng trabaho o kabuhayan at pagkakitaan.
Magkaroon kami ng mas maayos at desenteng paninirahan. Magkaroon ng socialized housing ang pamahalaan na abot-kayang bayaran ng mamamayan- may social services at kabuhayan.
Kilalanin ng pamahalaan ang masterlist ng aming mga samahan.
Itigil rin ng National Housing Authority sa pamamagitan ng mga gwardya nila ang pagdedemolis sa mga hindi naka-tagging na kabahayan at kilalanin rin ang aming karapatan na kumpunihin ang aming sirang tahanan at alisin ang pagbabawal ng pagpasok ng materyales para sa pagkumpuni ng aming bahay.
Magkaroon ng ilaw/kuryente at tubig ang aming mga komunidad.
Magkaroon ng regular na check up at pamamahagi ng libreng gamot o malapit na health center sa aming komunidad.
Bigyan kami ng tulong materyal upang makapagpagawa kami ng aming sariling palikuran.

Kami ay kaisa at kasama ng mamamayang Pilipino sa pagkakamit ng hustisyang panlipunan at pagsusulong ng makabuluhang pagbabago sa ating lipunan upang tuluyan ng magwakas ang kahirapan at kagutuman sa ating bayan.

Kami ay nagkakaisang sumasang-ayon at kikilos sa abot ng aming makakaya para sa pagsasakatuparan ng mga kahilingang ito.