Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (2)
(Pangalawang Bahagi) Sa katunayan, anumang oras mula ngayon ay maari na nitong simulan ang nasabing proyekto sapagkat nitong buwan lamang ng Hunyo taong 2009 nag karoon ng Pirmahan sa pamamagitan Memorandum Of Agreement (MOA) sa pagitan ng Seafront Renew Inc. (isang Kumpangya na mamahala sa nasabing Proyekto) at ni Mayor Toby Tiangco kasama ang ibapang opisyal ng Lokal na pamahalaan. na si mayor Toby mismo ang may sabi na sa panahon ng kanyang panunungkulan sisimulan ang nasabing Proyekto.
Na nagkakahalaga ng 50 Bilyong Piso. Salaping Katumbas sana 50 libong libreng pabahay para sa maralita o Kaya'y 70 libong ClassRoom para sa nga kabataang mag-aaral mula sa Elementarya at HighSchool o di Kaya'y Limang malalaking Hospital na may kumpletong pasilidad para sa mga mahihirap nating Kababayan. Ganito ang Halagang Ilalaan lamang nila para sa pakinabang ng mga dayuhan at malalaking Negosyo dito sa ating Bansa. Samantala, ang pondong ito ay inutang ng Gobyerno ni Gloria macapagal Arroyo sa mga Dayuhan na ang magpapasan ng bayarin ay tayo rin mismong mga Maralita.Sa madaling salita, ginigisa tayo sa sarili nating mantika.
Malinaw na isang malaking panlilinlang ang layunin ng nasabing Proyekto. Gusto lamang pakalmahin ng pamahalaan ang galit na damdamin ng mga mamamayang maaapektuhan ng malawakang demolisyon. Sa katotohanan ay may 25,000 kabahayan o 75,000 pamilya ang kagyat na maaapektuhan ng demolisyon na karamihan dito ay matatagpuan sa baybaying dagat at Halos lahat ng pamilyang ito ay kumukuha ng kanilang ikanabubuhay sa dagat.
Mangangahulugan ang mga proyektong ito ng malawakang demolisyon at dislokasyon ng kabuhayan ng mga mamamayang naninirahan sa mga lugar na malapit sa dagat. Dahil ang Navotas ang tanging pahabang munisipalidad na nasa mismong tabing-dagat at napaliligiran ng katubigan, animnapung (60) porsyento ng mga mamamayan nito Sa kagyat at direktang maaapektuhan ng demolisyon at walumpung (80) porsyento naman ang ng dislokayon sa kabuhayan. Sa katagalan maging ang pitumpu’tlimang (75) porsyento ng natitirang apatnapung (40) porsyentong hindi kagyat na naapektuhan ng demolisyon dahil medyo malayo sa dagat at ilog ang bahay ay sasagasaan ng widening ng mga kalsada na magsisilbing arterial at access roads ng mga itatayong imprastraktura.
Sa ganitong plano mawawalan ng lugar ang mga mamamayang umaaasa ng kanilang kabuhayan sa dagat. Syempre, hindi na papayagan ang mga baklad at lalayo na rin sa lugar ng pangisdan dahil itataboy ng mga baradero ang mga isda. Mag-iibayo rin ang polusyon sa dagat bunga ng pagdami ng mga duming lilikhain ng kumpunihan ng mga barko na dadagdag pa sa bolyum ng duming ibinubuga ng mga nakatayong pagawaan o Pabrika.
Tulad ng iba pang mamamayang Pilipino, ang mga Navoteño ay biktima ng kawalan ng hanapbuhay, kababaan ng sahod at di-regular na hanapbuhay. Walang ibang patutunguhan ang pagsasakatuparan ng mga proyektong ito kundi ang ibayo pang pagsahol ng dati nang masahol na kalagayan ng masang Navoteño.
(Pangalawang bahagi) Ngayon pa lamang ay nakikita na ang ilang masamang epekto ng kawalan ng hanapbuhay sa mamamayan. Ilan sa mga mangingisda ang pumapasok na sa pamumutok o paggamit ng dinamita. Tumataas din ang bilang ng nagaganap na krimen tulad ng pagnanakaw, holdap, pagpatay, prostitusyon at pakikisangkot sa ilegal na sugal at droga.
Ibig sabihin, ang “kaunlarang” dala ng North Bay Boulevard Business Park at International Ship Repair Yard ay hindi magdadala ng kaginhawaan sa buhay ng mga mamamaya ng Navotas. Hindi ito magbibigay ng kabuhayan bagkus aagawan pa nito ng kabuhayan ang mga Navoteño. Kung mayroon mang hanapbuhay na malilikha dito ay sa anyo pa ng kontraktwalisasyon sa mga baradero at batilyo at hindi tuluy-tuloy na hanapbuhay tulad ng inaasam ng mga nakararmi.
Walang ibang makikinabang sa mga proyektong ito kundi ang mga dayuhang mamumuhunan at malalaking negosyante sa pangisdaan. Tuluy-tuloy silang mananagana habang unti-unti namang namamatay sa kagutuman at kahirapan ang mga mamamayan.
Kaugnay nito:
Na, kami ay tumututol sa dislokasyon ng paninirahan at hanapbuhay naming mamayang navote.
Na, magkaroon ng people's consultation kaugnay ng nasabing proyekto at magkaroon ng tunay na kinatawan ang organisasyon ng maralita.
Na, ipatupad ang on site development sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng aming lugar pananahanan at paglalagay ng dike na magsisilbing pananggalang sa mga malalaking alon.
Na, magkaron ng tunay na programang pabahay na abot kaya sa katulad naming maralita.
Na, alisin ang mabibigat na patakaran at bayarin sa mga katulad naming di sapat o di regular ang kinikita.
Na, magkaroon ng alukasyon ng badyet sa nasabing proyekto sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng serbisyong medikal at edukasyon sa pagpapaunlad sa mga kabuhayan sa mga kapatid naming mangingisda.
Na, bigyang prayoridad ang usapin sa hanapbuhay.
Piglas-Navotas (Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan ng Navotas)
Similar entries
- Pusisyon ng mamamayan ng Navotas hinggil sa mga proyekto sa lugar (1)
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang nakatira sa tabing-riles ng Pacwood at RMT Site, Tunasan, Muntinlupa City
- Pahayag ng pagkakaisa ng mga mamamayang biktima ng demolisyon, kawalan ng kabuhayan, pabahay at katarungan sa tabing-riles ng Muntinlupa City
- Pahayag ng mamamayang nasunugan sa Gasangan Baseco
- Hinggil sa Proyektong Embarcadero
- Pahayag ng pagkakaisa, paninindigan at kahilingan ng maralitang mamamayan ng National Bilibid Prison
- Banta ng demolisyon sa kabahayan ng North Harbor, pinalagan ng manggagawa at maralita!
- 1660 Manggagawa, Mawawalan ng Trabaho
- Paninindigan ng mga Magsasaka sa Kabikolan Kaugnay sa Hacienda Luisita / Compromise Agreement, sa Hacienda Peralta sa Sorsogon at sa iba pang mga Usapin sa Lupa sa Kabikolan
- Factsheet ng Demolisyon sa Floodway, Pasig noong Pebrero 25


